Walang pinipiling tao, oras o lugar ang peligro, aksidente at trahedya kaya naman mahalagang alam natin ang mga dapat gawin para sa kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay.
Maraming pagkakataon na mababawasan sana ang mga napapahamak, kung hindi man lubusang maiwasan na may mamatay, kung may sapat na kaalaman lamang ang mga nalalagay sa alanganin.
Ito ang sisikaping tugunan ng pinakabagong handog ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs- ang “Red Alert” na ilulunsad simula ngayong Biyernes (Marso 21) sa pangunguna ni Atom Araullo!
“Ligtas ang may alam! Hindi sapat ang naghihintay lamang ng tulong o responde dahil bawat segundo ay mahalaga sa oras ng peligro. Iyon ang ibibigay ng ‘Red Alert’ sa publiko,” paliwanag ni Dondi Ocampo, Head ng News Variety, Infotainment & Talk ng Current Affairs. Dagdag pa niya, alinsunod din ito sa misyon ng ABS-CBN na makapaglingkod sa sambayanang Pilipino.
Linggo-linggo hihimayin ni Atom ang mga sitwasyon na posibleng harapin ng mga karaniwang tao at ipakikita ang mga pwedeng gawin upang makaligtas roon.
“Iba rin magturo ng kaalaman ang karanasan. Kaya naman susubukan ko mismo na ilagay ang sarili ko sa iba’t ibang sitwasyong pinagdaraanan ng ating mga kapamilya,” sabi ni Atom.
Unang itatampok ang mga dapat gawin kapag may sunog base na rin sa naging karanasan ng mga nasunugan at kwento ng ilan na hindi lang nawalan ng ari-arian, kung hindi’y namatayan pa. Napapanahon ito dahil pinag-iingat ang mga tao para maiwasan ang sunog na dumadalas tuwing tag-araw.
Huwag palalampasin ang “Red Alert,” kasama si Atom Araullo, simula ngayong Biyernes (Mar 7), 4:45 PM,pagkatapos ng “Galema: Anak ni Zuma” sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.