VP Binay speech transcript on alleged corruption issues (full text transcript)


Jejomar C. Binay Vice President of the Philippines

Jejomar C. Binay Vice President of the Philippines

PASAY, Philippines – In response to the Senate’s invitation to attend the ongoing investigation on the Makati City Hall buildings, Vice President Jejomar Binay gave a speech addressing the nation at 2PM today.

Full text transcript of VP Binay’s speech follows.

Vice President Jejomar C. Binay speech – September 18, 2014

Mga minamahal kong kababayan:

Isang bukas na aklat ang aking buhay.

Bata pa lamang ako ay humarap na ako sa maraming pagsubok. Simple lamang ang aking pinagmulan.

Isang librarian mula sa bauan, batangas ang aking ama, habang ang aking ina naman ay isang guro mula sa Cabagan, Isabela. Tatlo kaming magkakapatid.

Sa kasamaang palad, namatay ng maaga ang aming panganay at ang bunso kaya’t lumaki akong nag-iisang anak.

Noong ako’y siyam na taong gulang, nagkaroon ng kanser ang aking ina. Dahil sa kakulangan ng perang panggastos, namatay siya na wala kaming magawa.

Ako ay naging ulila. Pinalaki ako ng aking tiyo na kapatid ng aking ama. Kasama ko sa araw-araw ay ang mga kasambahay.

Nag-alaga ako ng baboy, namalengke, naglaba, namalantsa ng aking mga gamit, at naglinis ng bahay at bakuran habang nag-aaral at nangangarap.

Hindi ko kinahiya ang aking kinalakihan. Natuto akong humarap sa hirap ng buhay.

Nagsumikap at nagpursigi ako upang malagpasan ang mga pagsubok na iniharap sa akin ng tadhana.

Nakaranas ako ng pananakit, panglalait at pangungutya. Ngunit hindi ito naging balakid.

Ako’y nagsumikap.

Ako’y nag-aral.

Ako’y naging abogado.

Marami akong pwedeng tahaking landas, subalit pinili kong maging human rights lawyer. Pinili kong ipagtanggol ng libre ang mga mahihirap. Marami akong natulungan – mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, mga karaniwang taong kagaya ko na walang masandalan.

At nang ideklara ang Batas Militar, sumama ako sa hanay ng mga nagtanggol sa ating demokrasya. Ibinuhos namin ang aming lakas sa pagtulong sa mga biktima ng karahasan ng abusadong rehimen. Dahil dito, ako ay ilang beses ikinulong, ngunit nagpaigting lamang ito sa aking pakikibaka.

Tuwing ako ay palalayain, itinutuloy ko ang pakikipaglaban,
Hanggang sa naigupo ang marahas na rehimen noong pebrero 1986 sa EDSA.

Ni minsan ay hindi ko inisip na natapos ang aking laban noong 1986 EDSA Revolution. Muli kong inisip ang mga karaniwang mamamayan. Kung magkakatotoo ang adhikain ng EDSA, dapat magsimula ito sa pagbibigay ng ginhawa sa buhay; sa pagtatatag ng isang pamahalaan na kumakalinga at naglilingkod para sa lahat, lalo na sa mga mahihirap.

Sa isang bagong demokrasya, dapat lahat ay pwedeng mangarap, dapat lahat ay pwedeng umasenso. ‘Yan ang naging laban namin sa lungsod ng Makati!

Nang ako’y maging mayor ng Makati, inabutan ko ang isang lungsod na baon sa utang, sira-sira at kulang ang mga eskwelahan. At tuwing may nagkakasakit, walang matakbuhan ang mga mahihirap, tulad din ng aking yumaong ina.

Nagkaisa kami upang harapin ang mga problema. At sa awa ng Diyos, kami ay nagtagumpay. Ang Makati ngayon ay maituturing na huwaran ng serbisyo at paglilingkod.

Sa Makati, lahat ng mamamayan ay tumatangap ng pagkalinga mula sa isang pamahalaan na nakikinig at umuunawa sa kanila.

Ang mga minimithi ng bawat Pilipino ay tinatamasa ng mga taga-Makati.

Ang aming programang pangkalusugan na Yellow Card – libreng gamot at pagpapa-ospital – ay huwaran sa buong bansa; ang aming pampublikong edukasyon ay libre mula sa elementarya hanggang high school at mababang halaga naman ang tuition para sa kolehiyo. Libre pati pakain, libro, uniporme, modernong mga kagamitan – papasok na lamang ang mga kabataan ng lungsod ng makati na taas ang noo; at ang aming senior citizens ay libre ang sine, birthday cake, gamot at may cash allowance pa.

Ang pangarap ng marami…
…naging totoo sa Makati!

Ngayon ay nakikita natin na ang punong hitik sa bunga ay siyang binabato. Ang ating pinag-aruga ay siyang pilit na ginigiba.

Mga kaibigan…

Paano ba sinasagot ang mga kasinungalingan? Paano pinagtitibay ang katotohanan? Muli kong sinasabi sa inyo, sa ilalim ng aking pamumuno, dumaan sa lahat ng pagsusuri ang mga proyekto ng makati. Laging tinitimbang, ni minsan hindi nagkulang. At mga ahensya ng gobyerno mismo ang nagpatunay na walang katiwalian at walang pagmamalabis.

Hindi na bago ang mga paratang nila sa akin.

Tuwing halalan na lang sa makati ang ganitong kasinungalingan ay nilalako at binubuhay ng aking mga kalaban sa pulitika.

Ngunit ang husga at tinig ng taongbayan ng Makati: serbisyong binay pa rin ang maaasahan.

Sa ginagawa nilang pagdinig sa Senado, ginagamit nila ang mga taong hinusgahan na ng mga taga-makati; mga taong hindi lang minsan humarap sa paghuhusga ng taumbayan sa halalan, at hindi lang minsan kung hindi ilang beses itinakwil ng mga taga-makati dahil hindi sila karapat-dapat na maging lingkod bayan.

Isa sa mga testigo nila ang nag-akusa na overpriced daw ang birthday cake namin sa senior citizens. Sinabi niya na isang libo daw ang presyo ng bawat cake, ngunit nang makita sa mga dokumento na tatlong daang piso lamang, napilitan siyang umamin na siya ay nanghula lamang. Ang taong ito ay sumumpa na magsasabi ng katotohanan, ngunit hindi siya kinastigo ng mga senador.

Hayaan po ninyo na sa pagkakataong ito ay sagutin ko – punto por punto – ang mga ipinaparatang nila sa akin:

Una: ang bintang ng kanilang unang testigo na “overpriced” ang makati city hall building 2 ay nakabatay lamang sa estima ng national statistics office o nso. Ngunit ang nso mismo ang nagsabi na may limitasyon at hindi tamang batayan ang kanilang estima. Ibig sabihin, ito ay hindi ebidensya.

Pangalawa: ang bintang na ang bidding ng proyekto diumano ay niluto o rigged ay hubad na salita lamang dahil walang dokumentong ipinakita o pinanghahawakan.

Pangatlo: ang bintang na kumita raw ang mayor dahil umaming kumikita ang vice mayor ay haka-haka lamang. Ito ang tinatawag naming mga abogado na hearsay o sabi-sabi.

Pang-apat: ang bintang na komisyon na diumanoy nakasilid pa sa malalaking bag ay sabi-sabi lamang ng dating vice mayor. Gaya ng iba pang sinabi sa senado, wala ring ipinakitang ebidensya.

Samakatwid, wala sa ipinangangalandakan nilang testimonya ang tatayo sa isang hukuman ng batas.

At dahil hindi tatayo sa hukuman ng batas, ipinalalabas na lang nila sa mala-circus na pagdinig sa Senado.

Ano ba ang katotohanan sa Makati City Hall Building 2 na ayaw madinig ng mga nag-iimbestigang senador?

Muli, punto por punto:

Una: ang gusali ay ipinatayo sa loob ng limang taon at sa bawat taon ay hinahanapan ito ng konseho ng pondong gagastusin. At sa bawat taon na matatapos ang isang bahagi ay dumadaan ito sa mahigpit na audit ng COA.

Pangalawa: ang audit ng COA ay ginagawa taun-taon sa loob ng limang taon.

Bukod pa ito sa technical audit ng mga teknikal na eksperto- inhinyero, arkitekto, surbeyor, at mga ekspertong accountants. Sa loob ng limang taon, sampung audit ang ginawa nila at wala silang nakita na anumang anomalya.

Pero ang ilang senador, konting basa ng construction handbook, konting kausap sa mga binayarang appraisers daw, at isang pasyal lang sa building, may konklusyon agad na overpricing.

Inuulit ko, ayon sa batas, tanging ang government procurement act lamang at mga alituntunin ng coa ang ginagamit na batayan sa pagtatayo ng gusali ng pamahalaan. Hindi ang isang construction handbook na hilig iwagayway ng isang senador.

Pangatlo: ang kontratista ng gusali ay diretsong nagsabi na hindi ako humingi o binigyan ng suhol.

Pang-apat: kung mayroon mang komisyon na sinasabing kinuha ang vice mayor, ito ay maliwanag na para sa kanya lamang.

Mga kababayan,

Nakita naman ninyo ang mga pananakot at panghihiya na ginawa ng mga senador sa mga testigo na ayaw makisama sa kanilang mga panunulsol.

Sa unang pagdinig ng usaping ito lumahok ang aking anak na si Junjun Binay, punong-lungsod ng Makati.

Magalang siyang humarap, sinubukang magpaliwanag, ngunit ano ang nangyari? Niyurakan ang kanyang pagkatao, hiniya, binalewala ang kanyang mandato. Tinuring siyang walang alam at walang karapatang magpaliwanag.

Pati ‘yung mga taga-coa na sumulat ng regular at technical audit, inakusahan agad na incompetent at bayaran kahit walang katibayan at anumang pagsusuri sa kanilang ginawa. ?

Bukod sa ulat ng COA, makikita sa simpleng paghahambing ng Makati City Hall Building 2 sa ibang gusali ng gobyerno na walang overpricing at anomalya dito.

Kung talagang gusto nilang ihambing ang gastos sa makati city hall building 2, dapat nilang ihambing sa ibang mga government buildings, tulad ng

  • Iloilo Convention Center
  • House of Representatives Annex Building
  • House of Representatives renovation at North Lounge Extension
  • Calamba City Hall Complex
  • Bangko Sentral ng Pilipinas Dumaguete City at Naga City
  • Sandiganbayan Building

Ang presyo ng makati city hall building 2 ay P69,549.00 kada metro kwadrado (sq. meter).

Ito ay mas mura sa presyo na P74,751.00 kada metro kwadrado ng Batasan Pambansa Annex Building, at maihahambing sa P68,140.00 kada metro kwadrado ng Iloilo Convention Center, at ito ay unang bahagi o Phase i pa lamang.

Bakit nila sasabihing overpriced ang Makati City Hall Building 2 kung halos pareho naman ang presyo nito sa ibang katulad na gusaling pampubliko?

Bakit ang proyekto ng mga kasama sa pulitika, itinuturing na matuwid at tama. Pero kapag sa iba, kaagad kinakastigong tiwali at baluktot?

Mga kababayan…

Sa loob ng mahigit na dalawampu’t walong taong paglilingkod ko sa bayan, dalawang administrasyon ang nagtangkang patahimikin ako.

Ginamit ang kapangyarihan at lahat ng ahensya ng gobyerno upang ako ay gipitin at piliting sumuko.

Ngunit dahil nasa panig ko ang katotohanan at kayong aking mga kababayan, hindi sila nagtagumpay.

Ngayon naman, inuusig nila ako dahil sa ayaw ng mga ambisyosyong pulitiko na ipagpatuloy natin sa buong Pilipinas ang mga programang sinimulan natin sa makati. Ayaw nilang makatulong tayo sa mga mahihirap. Palibhasa’y sila ay mga anak mayaman at mapang-mata ang kaugalian.

Hindi ako bago sa pagsubok. Iyan ay hinaharap ko kahit noong ako ay bata pa lang. Humarap at patuloy akong humaharap sa mga pagsubok.

At sa tuwing may pagsubok, hindi ako umaatras. Ako ay laging lumalaban.

Ngunit ang laban na hinaharap ko ngayon ay hindi lamang laban para kay Jojo Binay. Ito ay laban para sa bayan. Ito ay laban para sa sambayanang Pilipino.

Ito ay laban para sa lahat ng pilipino na natutulog sa kariton; sa mga pumapasok sa iskwela na walang notebook at libro o hindi man lang nakakain; sa mga piyon at karpintero na walang tahanan; sa mga magsasaka na walang sariling lupa;

Sa mga araw-araw ay naghihirap at nagtitiis pumila sa MRT at LRT, sumusuong sa trapiko at baha, at umuuwi sa gabi na may pangamba dahil sa laganap na kriminalidad.

Ito ay laban para sa ating mga kababayan na hindi pa nagiging kabahagi ng kasalukuyang pag-unlad ng ekonomiya.

Walang saysay ang pag-unlad ng ekonomiya kung marami ang nagugutom. Dapat may pagkain sa lamesa ng bawat Pilipino. Dapat may diploma sa bawat dingding ng tahanan. Kulang ang pag-unlad kung marami ang walang trabaho. Kailangang umabot sa karamihan — lalo na sa mga mahihirap — ang benepisyo ng pag-unlad.

Mga kababayan…

Kasama ninyo ako sa pangarap ng bawat Pilipino. Bugbugin at laitin man tayo kaliwa’t-kanan, babangon tayo at lalaban.

Sa aking mga katunggali, i-angat natin ang antas ng pamumulitika… Tigilan natin ang pagsisinungaling at paninira sa kapwa.

Humarap tayong lahat sa isang malinis at patas na halalan. Ipakita natin ang ating kakayahan at karanasan upang maging batayan ng taongbayan.

Mga kababayan…

Ito naman ang panata ko sa inyo: kung paano ko ibinuhos ang aking oras at kaalaman para tiyakin na ang mga taga-makati ay magiging kasalo sa pag-unlad, iyan din ang patuloy kong ginagawa bilang inyong halal na pangalawang pangulo ng bansa.

Tungkulin ko na pangalagaan ang kapakanan ng ating mga manggagawa sa iba’t-ibang bansa. Buong puso kong ibinibigay ang aking sarili para maisulong ang kanilang dignidad. Pinilit kong maging tulay sa kanilang pangangailangan.

Tungkulin ko ang pagpapabahay sa ating mga kababayan. Sa huling bilang, mayroong 1oo milyong Pilipino na ang ating napaglingkuran. Ang hamon sa ating pamahalaan, madagdagan pa ang bilang ng mga pamilya na may matatawag na sarili nilang tahanan.

Tungkulin ko rin ang pangangalaga sa Pag-IBIG Fund. Naihinto namin ang pagsasamantala ng ilang developer sa pondong pinaghirapan ninyo, at ngayon ay nagbibigay na ang pag-ibig ng napakaraming benepisyo sa milyun-milyong miyembro nito, kasama ang mga ofws, kasambahay, mga drayber at mga nagtitinda sa kalye.

Mga kababayan…

Mga kapwa ko pilipino…

Sama-sama tayong lalaban sa kahirapan.

Sama-sama tayong lalaban sa pagdurusa na hinaharap natin araw-araw.

Sama-sama tayong lalaban sa takot na dulot ng kriminalidad,

Sama-sama tayong lalaban sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sama-sama tayong lalaban sa problema ng ating mga kabataan.
Walang atrasan.

Lalaban tayo para gumanda at guminhawa ang buhay ng bawat Pilipino.

Salamat po, at mabuhay ang mahal nating Pilipinas.

Exit mobile version